Saturday, September 24, 2005
Parang Panaginip

I
Nakatitig siya sa maitim na ulap. Hindi maipinta ang kanyang mukha. Bumabagyo pero napakainit ng sikat ng araw. Nakakapaso! Wari’y dagat na ang buong paligid sa hanggang bewang na taas ng tubig-baha, at naroon siya, sa ikalawang palapag ng kanilang bahay habang nakadungaw sa makipot nilang bintana.
Nagtataka siya. Pilit niyang hinahanap ang senyales ng buhay, ngunit kahit isa, kahit ipis man lang o butiki ay wala siyang makita. Wala maliban sa iinda-indayog na puno ng Aratilis na nakatirik sa gilid ng kanilang bakod.
Dagli siyang nag-krus nang gumuhit ang isang napakahaba at mapulang kidlat sa kalangitan. Sinundan iyon ng napakalakas at napakahabang kulog. Hindi pangkaraniwang kulog na halos ikayanig ng buo nilang bahay.
“Nasaan ba si ate,” bulong niya. “Kanina ko pa sila hindi nakikita. Si nanay… si tatay… si Bong wala rin! Nasaan na ba silang lahat?”
Maya-maya ay ginulat na lang siya ng isang malakas na pagsabog mula sa kwarto ng kanyang nanay. Dagli-dagli naman siyang tumakbo palapit doon.
“Ano ba ‘yon?”
Nakita na lang niya na nagliliyab ang kaisa-isang papag sa loob ng kwartong iyon at agad siyang dumalos pababa para kumuha ng isang baldeng tubig.
“Saan ba galing ang apoy na ‘yon?” tanong niya sa sarili habang tumatakbong pababa ng hagdan.
Baha rin sa ibaba ng bahay. Kasama ng mga lulutang-lutang na gamit sa sala ay agad niyang hinablot ang baldeng itim sa may gawing kasilyas at mula sa baha ay doon na rin siya sumalok, hindi alintana ang pagkabasa halos ng buo niyang katawan.
Wala pang kalahating minuto ay naroon na uli siya siya sa itaas para apulahin ang apoy. Agad-agad ay isinaboy niya ang isang baldeng tubig sa nagliliyab na higaan pero laking gulat niya nang makitang walang tanda ng pagkasunog ang alin mang parte nito.
“Binuhusan ko ito nang nagliliyab, pero… ano ba ito???”
Basang-basa ang loob ng kwarto dahil sa tubig na isinaboy ni Michael.
“Naku, baka magalit si nanay! Paano ko ba ito ipapaliwanag sa kanila?” Kitang-kita sa kanyang mukha ang pagtataka.
Niligpit na lang niya ang mga nabasang unan at kumot habang patuloy ang malalakas na pagkulog at pagkidlat sa kalangitan. Matapos niyang iligpit ang mga nabasa ay agad siyang bumalik sa bintanang pinagdudungawan niya kanina habang panay ang punas ng puting bimpo sa kanyang mukha.
Sa nakangalumbabang posisyon, unit-unting namilog ang kanyang mga mata kasabay halos ng pagtaas ng mga kilay dahil sa biglang pagbabago ng paligid. Wala ng kulog. Wala na ring kidlat. Pero patuloy pa rin ang malakas na ulan. Malakas! Na mula sa itaas ay kitang-kita niyang gumuguhit ang bawat patak hanggang sa aalon-along tubig-baha sa ibaba… patak nga ba?
Sumulyap siya sa kanyang digital na relo. “Dapat alas-otso na ng gabi,” habang titig na titig sa nakalagay doong "PM". “Pero…”
Napatingin siya sa nakakabulag na sikat ng araw sa itaas at kibit-balikat na ibinalik ang tanaw sa ibaba. “Ah!”
Walang anu-ano’y umihip ang malakas na hangin at tinangay ang bimpo na bahagya lamang hinahawakan ni Michael. Laking gulat niya nang sa kalagitnaan ng pagbagsak nito ay bigla itong nagliyab na animo’y dinaanan ng naglalagablab na apoy.
Napatingin uli si Michael sa araw. “Ganito ba talaga kalakas ang init?”
Kinuha niya ang lumang diyaryo na nakapatong sa mesa sa tabi ng bintana at nilukot ito nang pahaba. Dahan-dahan niya itong ini-usli sa bukana at gano’n na lamang ang kanyang pagkamangha nang magliyab ang dulo nito matapos masikatan ng araw. Nabitawan niya ang nilukot na papel. Nagtataka siya kung bakit ito nagliyab gayong umuulan naman. Parang blanko ang kanyang isip. Wala siyang maintindihan sa mga nangyayari. Napatunganga na lamang siya sa hindi malamang pagkalito.
Matagal din siyang nasa gano’ng kalagayan nang mula sa ‘di kalayuan, sa umaapaw na baha ay may napuna siyang inaanod palapit sa kanilang bahay. Sinundan iyon ng isa pa… ng isa pa… at ng isa pa. Marami. Sunud-sunod. Sa dakong kaliwa… sa dakong kanan.
Mula sa bintana ay pilit niyang sinuri kung ano ang mga ito. At tila kuryenteng gumapang ang kilabot sa buo niyang katawan nang mawari kung ano ang mga lulutang-lutang na iyon sa patuloy na pagtaas ng baha.
“Diyos ko!” sigaw niya, kasabay muli ng biglang pagkidlat sa kalangitan. Mas mahaba. Mas mapula. At sinudan iyon ng mas malakas na kulog.
“Tao…! Mga tao nga!!!” Nanginig ang buo niyang kalamnan. “Katapusan na ba ng mundo…?”
Maya-maya ay napabalikwas siya. Tila nais niyang himatayin nang may mapuna sa isa sa mga papalapit na bangkay. “Parang… parang…” halos hindi siya makapagsalita. “Parang t-shirt ni Bong!” bulong niya habang nakatitig sa kulay asul na t-shirt na suot ng lumulobong bangkay, na mula kanyang kinatatayuan, kahit malayo ay aninag niya kung ano ang maliit na sulat sa dakong kaliwa ng t-shirt nito --- Nike.
Nang maaninagan ang mukha nito… “Si Bong! Diyos ko, si Bong nga!”
Para siyang naparalisa sa kinatatayuan. Hindi siya makagalaw lalo na nang makilala ang iba pang mga lulutang-lutang na bangkay na pinadpad sa harap ng kanilang bahay. “Bakeeet…???” Magakakasunod na inaanod ang kanyang nanay, tatay at ate ‘di kalayuan sa likod ni Bong.
“Aaahh….!!!” Sigaw niya na parang isang baliw na hindi malaman kung ano ang gagawin. “Diyos ko! Aaahhh…!!!!”
II
“…Hoy, Michael, gising! Ano ka ba? Alas-kwatro na ng madaling araw nananaginip ka pa rin! Bumangon ka nga muna para makabili na ng pandesal kina Mang Noel. O, etong sampung piso!”
Napatayo si Michael sa kinahihigaan. Pawis na pawis. Hinihingal. Sa kusina pala siya nakatulog. “Panaginip lang pala,” bulong niya.
“Ano ba’ng napanaginipan mo?” tanong ng kanyang ina.
“Ha? Wala… wala.”
Sige na, tumayo ka na diyan,” siyang hagis ng puting bimpo kay Michael. “Punasan mo nga ‘yang pawis mo at nang mahimasmasan ka!”
Napatitig si Michael sa bimpong ihinagis ni Aling Lourdes. “Huwag na, ‘nay. Ito na lang t-shirt ko ang ipangpupunas ko. Magpapalit na lang ako…” at nanlalatang umakyat si Michael sa itaas para magpalit ng damit.
“Kunin mo na itong pera o!” utos ni Aling Lourdes sa bumababang anak habang isinusuot nito ang bagong plantsang damit mula sa honos ng aparador sa itaas.
Bahagyang sumilip si Michael sa nakabukas na bintana sa kusina. “Eh, umaambon eh! At saka ang dilim-dilim pa!”
Natural! Magtaka ka kung ganitong oras eh sumisikat na ang araw!”
Napakamot na lang ng ulo si Michael. “Akin na nga ho yung pera.”
Dalhin mo na lang ‘yang payong sa tabi ng pinto para hindi ka mabasa.”
Nang may mapuna… “Nasaan ba si tatay?” Kadalasan kasi ay gising na ang kanyang ama sa gano’ng oras kaya hinahanap niya. “Wala yata siya sa kwarto ninyo sa itaas.”
“Ano ka ba, ulyanin? Kahapon pa wala ang tatay mo kasama si Bong, doon sa kumpare niya. Mamayang gabi pa sila uuwi.”
Parang nihimasmasan si Michael. “Oo nga pala.”
“Baha nga pala sa labas. Kagabi pa kasi umuulan. Nasa likod ng pinto yung bota ng tatay mo. Gamitin mo na rin.”
“Baha???”
“Oo.”
“Baha…? Baha kamo, ‘nay?”
“Oo, baha, ano ka ba?” nakatitig si AlingLourdes sa mukha ng anak. “Para yatang wala ka sa sarili mo ah!”
Hindi alam ni Michael kung bakit siya kinakabahan ng mga sandaling iyon. Tumungo na lamang siya sa tabi ng pinto para kunin ang payong na sinasabi ng ina at ang bota sa likod nito.
Malayu-layo rin ang kanyang lalakarin dahil sa siyam na kanto pa ang kanyang dadaanan bago makarating sa bakery nina Mang Noel.
Wala pa siya sa ika-apat na kanto ay ginulat na siya ng isang nakayayanig na kidlat na halos ipagliwanag ng buong paligid. Halos mabingi naman ang kanyang mga tenga sa nag-eekong kulog mula sa kalangitan. Maya-maya ay sinundan iyon ng malakas na buhos ng ulan at ihip ng hangin. Agad naman siyang sumilong sa kalapit na waiting shed nang tumupi ang pulang payong na dala-dala niya.
Hindi mapakali si Michael. Lalo siyang kinabahan nang mapunang unti-unting tumataas ang tubig-baha na ngayon ay gumuguhit na sa kanyang hita.
Madilim. Walang katau-tao sa paligid. Para siyang isang bata na pinaglalaruan ng sariling takot. “Si nanay kasi eh! Kung bakit kay aga-aga pa, nagpabili na agad ng pandesal!”
Nang mapuna na hindi kaagad titigil ang ulan, at sa dahilang basa na rin ang dulo ng kanyang shorts, binagtas na lamang niya ang patuloy na tumataas na na baha bitbit ang nasirang payong hanggang sa makarating siya sa ika-limang kanto sa dahan-dahang paglalakad. “Nakaligo tuloy ng ‘di oras!”
Naisipan niyang bumalik dahil napuna niyang umabot na sa kanyang bewang ang taas ng tubig. Mabilis ang pag-angat nito. Ngunit naroon na siya sa ika-walong kanto.
“Di bale, isang kanto na lang,” sabi niya habang nangangatog na sa ginaw. Tanaw na tanaw na niya ang nakasulat na ‘Noel’s Bakery’ sa kabila no’n.
Habang daan, gano’n na lamang ang gulat niya nang may biglang lumutang sa kanyang tabi. Habol ang kaba sa kanyang dibdib. “Huh! Akala ko kung ano na! Basura lang pala!”
Pilit niyang pinalakas ang kanyang loob ngunit gano’n na lamang ang kanyang panlulumo nang malamang hindi magbubukas ng tindahan si Mang Noel. Pasigaw pa niyang binasa ang malaking nakasulat sa harap nito. “Sorry, we are close today…! Shit!”
Inis na inis si Michael na daig pa ang natalo ng isang libo sa sugal. “Kasi… kasi…” bigkas niyang parang bata na hindi alam kung sino ang sinisisi.
Pumihit siya patalikod. Ano pa nga ba naman ang gagawin niya kundi ang umuwi na lamang. Pabalik niyang binagtas ang umaapaw na baha pero ngayon ay sa mas mabilis na lakad. Nagmamadali. Nakalimutan na nga niyang basa na ang sampung piso na nakaipit sa kanyang shorts na walang bulsa. Halos hindi na rin niya napuna na nilalangoy na niya ang nagdadagat na baha dahil hanggang dibdib na niya ang taas no’n. Ngunit unti-unti, naramdaman niya na kinakapos siya kaya’t pinilit niyang akyatin ang bubong ng nakaparadang trak. Sa itaas no’n ay hindi siya magkandaugaga sa paghingal. Para naman siyang tinamaan ng dalawang daang boltahe nang maalala ang kanyang ina. Ngayon ay mas kinabahan siya. Naalala niya ang panaginip kanina lamang. “Bakit kasi hindi ko nasabi sa nanay,” sisi niya sa sarili.
Pero nagtataka siya. Halos lumubog na ang buong bayan ay wala pa rin siyang nakikita kahit na isang tao. Pasikat na ang araw no’n. Nakikita na niya ang bukang-liwayway mula sa Silangan, at ngayon ay mas kitang-kita na niya kung gaano kalakas ang ulan at nagbaha ng gano’n sa buong paligid. Malakas! Na mula sa itaas ay kitang-kita niyang gumuguhit ang bawat patak hanggang sa aalon-along tubig-baha sa ibaba… patak nga ba?
“Kailangang mapuntahan ko na si nanay. Pero paano…?”
Hindi pa siya tapos sa pakikipag-usap sa sarili ay ginulat na naman siya ng kakaibang tanawin --- mga lulutang-lutang na kung ano sa ‘di kalayuan. Kinabahan siya. Parang alam na niya kung ano ang mga ito gayong hindi pa niya lubos na naaaninagan mula sa kinatatayuan.
“Mga… mga tao nga,” bulong niya habang nakatayo pa rin sa ibabaw ng trak na mula roon ay hanggang tuhod na niya ang taas ng tubig.
Kumabog nang malakas ang kanyang dibdib. Lalo na nang mapuna niya ang lumulobong bangkay na may suot na asul na Nike t-shirt. Pamilyar sa kanya ang damit na iyon. At parang nais niyang himatayin nang makilala ang kasunod nito na lulutang-lutang sa baha. “Bong…? Tay…? Tatay!!!” sigaw niya na tila isang baliw na hindi malaman kung ano ang gagawin. “Ahhh…!!!” histerya ni Michael.
III
“Aaahhh…!!! Bong…!!! Tay…!!!”
“Kuya, kuya, gising! Binabangungot ka!”
Maya-maya ay sunud-sunod na naglapitan ang kanyang nanay, tatay at si Lisa. Agad ibinuhos ni Aling Lourdes ang kalahating tabo ng tubig sas mukha ni Michael para ito mahimasmasan.
“Hah?” sabay balikwas ni Michael sa kinahihigaang papag. Habol ang hininga.
“Ano ba’ng napanaginipan mo, kuya?” tanong ni Bong.
Matagal na hindi nakasagot si Michael. Titig na titig sa kapatid. “Wala… wala.”
Siyang singit naman ng ama habang hinahawi ang kurtina ng bintana sa loob ng kwarto ng magkapatid. “Bakit ba naman kasi hindi babangungutin? Tingnan mo nga kung anong oras na? Alas dose! Oras pa ba ito ng gising? Kung hindi pa binangungot…”
Buti na lang naisipan kong umakyat dito sa kwarto, ‘tay,” pagbibida no Bong.
“O, punasan mo muna ‘yang mukha mo’t bumangon ka na,” sabi ng ina habang inaabot ang puting bimpo sa kanya.
Napatunganga si Michael. Akala mo’y nakakita ng ahas.
“O, bakit parang takot na takot ka sa bimpo?” tanong ng nangingiting ate.
“Huwag na. Itong damit na lang ang ipangpupunas ko. Tutal basa na rin.” Sabay pahid ng laylayan ng damit sa mukha.
“Sige na’t nang makapagpananghalian na tayo. Tumayo ka na diyan.”
Akma nang lalabas ng kwarto ang apat nang may maisipang itanong si Michael sa ina. “Nay…”
“O?” sagot ni Aling Lourdes. Hindi na pinansin ng tatlo ang dalawa at sabay-sabay na ang mga ito na bumaba ng hagdan.
“Malakas ba ang ulan kagabi?”
“Ulan? Ano ka ba, nananaginip pa? Hindi umulan kagabi!”
“E, bakit baha?” tanong niya habang nakasilip sa bintana.
“Ikaw, hindi ka na nasanay sa lugar natin. High tide!” Pagkasabi no’n ay agad na ring lumabas ng kwarto si Aling Lourdes. Sinundan naman siya ni Michael.
Bitbit ang basang t-shirt, “nakasandok na ba?”
“Nagsasandok na ang ate mo sa ibaba. Tayong tatlo na lang naman ang kakain dahil tapos nang managhalian si Bong at saka ang tatay mo.”
“Bakit?”
“E, ‘di ba bukas na ang alis ng ninong ni Bong papuntang Canada? Baka doon na rin sila matulog.”
Biglang kinabahan si Michael. Lalo na nang makita niyang suot-suot ni Bong ang asul na Nike t-shirt sa ibaba ng hagdan. “Hubarin mo ‘yan!” sigaw niya na ikinagulat ng lahat.
“Ano ka ba? Nakakagulat ka ha! Bakit ba?”
Sabay lapit ni Michael sa palabas na ama galing sa kasilyas. “Tay, huwag na kayong tumuloy!”
“Ano ba’ng pinagsasabi mo?”
“Basta, huwag na kayong tumuloy!” mariin niyang sabi habang nakahawak sa kaliwang balikat ng ama.
“Ano’ng huwag tumuloy? Loko ka ba? Ngayon na lang kami huling magkikita ng kumpare ko!”
“Para kasing… para kasing ito yung napanaginipan ko.”
“Tumigil ka nga!” bahagyang tabig nito sa kamay ng anak. Natatawa lamang ito sa reaksiyon ng mukha ni Michael. “Panaginip lang ‘yon. Kumain ka na at gutom lang ‘yan!”
Nagkibit-balikat lamang ito. Maya-maya pa ay nagmamadaling umakyat sa kwarto. Pagbaba ay may bitbit nang puting kamiseta ni Bong sabay tawag sa bunsong kapatid. “Palitan mo na lang ‘yang t-shirt mo!”
Napatitig lang si Bong sa kanyang kuya. Halata ang pagtataka. “Bakit?”
“Basta, magpalit ka,” sabay hagis ng puting t-shirt dito.
“Ayoko nga. Ang ganda-ganda nito e!” at biglang talikod habang nakasimangot.
“Kuntodo-bihis na ang kapatid mo, pagpapalitin mo pa. Ano ba’ng nangyayari sa’yo?” pagtataka ng ina.
Napabuntung-hininga si Michael.
“Kain na…!!!” sigaw ng malakas na boses galling sa kusina.
“O. sige na, kakain na! Ikaw na lamang ang magpalit at basang-basa ‘yang t-shirt mo,” tugon ni Aling Lourdes kay Michael.
“O, siya, aalis na kami. Kayo na muna’ng bahala diyan.”
“Yung pawis ni Bong ha. Huwag mo’ng hayaang matuyo.”
“Oo! Sigaw ni Mang Gaudencio habang palabas ng pinto.
Para namang paralisado si Michael na nakaupo sa ikaapat na baiting ng kanilang hagdan.
“Ingat kayo, ‘tay,” pahabol niya. Ngiti lamang ang isinagot sa kanya ng kanyang ama.
“O, sige na, kain na… kakain na! Huwag ka nang masyadong mag-isip at natural lamang sa isang tao ang nananaginip. Hindi ka kasi nagdadasal bago matulog eh! Tayo na diyan!”
Habang nasa lamesa, halata pa rin ang pagtataka sa mukha ni Michael. Naguguluhan siya sa napanaginipan niya. Parang totoo!
“Wala ka bang pasok ngayon?” tanong ni Liza habang sumusubo ng pagkain. Nagkatinginan lamang ito at ang ina sa walang reaksiyong mukha ng kapatid.
“Hoy, ano ka ba? Kinakausap ka ng kapatid mo! Wala ka ba raw pasok?”
“Ha?” Animo’y gulat na gulat ito. “Wala… wala… mamaya pang alas-kwatro.”
“Wala, tapos mamayang alas-kwatro,” simangot ni Liza.
“Tamang-tama, pupunta muna ako kay Mareng Sonia para tingnan yung mga paninda niya. Makikisosyo kasi ako sa mga paninda niyang damit para meron tayong dagdag-gastos.”
“Sasabay na ‘ko sa’yo, nay. Titingnan ko kasi yung pinagawa kong cross-stitch kay Jude. Sabi niya matatapos na… nagawa ko na rin naman lahat ng dapat gawin dito sa bahay.”
“Ha? Ako lang ang maiiwan dito?”
“O, bakit parang takot na takot ka? E ‘di ba ‘yan naman ang gusto mo?”
Tumahimik na lang si Michael. Hindi nagpahalata sa takot na nararamdaman dahil baka mapagtawanan lang siya.
“O, sige na! Nagmamadali ako’t baka hindi ko maabutan si kumare,” sabay tungo ng ina sa may lababo para uminom ng tubig. “Ano, Liza, sasabay ka ba sa akin?”
“Opo, ‘nay. Uubusin ko lang ‘to.”
Parang napakabilis ng mga oras. Mag-isa na ngayong nakaupo si Michael sa lamesa habang dahan-dahan pa ring sumusubo ng pagkain. Nakikiramdam.
Pagkatapos magligpit ng mga kinainan ay hindi na niya alam kung ano ang mga susunod na gagawin. Ayaw niyang umakyat sa itaas. Natatakot siya. Gusto niyang lumabas ng bahay para magpunta na lamang sa mga kabarkada pero binawalan siya ng kanyang ina. Baka bigla na lang itong dumating nang wala siya.
Gusto niyang hatakin ang oras. Para siyang sinisilaban sa loob ng bahay na iyon.
“Makapagpatugtog na nga lang ng radyo!”
Lumapit siya sa maliit na cassette player it isinaksak ang plug sa socket. Para naman siyang itinulak sa kinauupuan sa biglang pagkagulat nang pindutin niya ang ‘power.’ Animo’y may daga sa kanyang dibdib.
“Huh!” sabay kamot sa kanyang ulo. “Sino ba ang nag-full volume nito?!!”
Nang hinaan niya ang palakasan ng radyo…
“Bakit wala?”
Halos pagpawisan na siya sa kapipihit ng ‘frequency’ pero wala pa ring tunog na lumalabas maliban sa ingay na parang mga nagtutumpukang kuliglig. Naisipan niyang ilipat ito sa AM.
“Ayun! Nadale rin…! Kailan pa ba nasira ang FM nito?” Panay ang kamot niya sa ulo. “Bomalabs! Puro balita. Wala man lang ‘sounds’… kunin ko nga muna yung Bon Jovi sa itaas.” At wari’y nakalimutan na niya ang takot na nararamdaman kanina.
Magulo ang kwarto nila ni Bong. Nakalimutan na niya kung saan niya nilagay ang tape na Bon Jovi. “Wala kaya ‘yon doon sa ibaba?”
Dahan-dahan siyang lumabas ng kwarto at gayon na lamang ang gulat niya nang mapadaan sa harap ng malaking salamin bago marating ang hagdan. “Si nanay,” sambit niya habang nakatitig doon sa salamin. “Pero… pero bakit walang… ulo?” utal-utal niyang tanong. Gumapang ang kilabot hanggang sa kadulu-duluhan ng kanyang mga daliri nang lumingon siya sa likod at malamang wala naman doon ang ina. Halos liparin niya ang hagdan pababa.
“Flash News!” Narinig niyang sabi sa radio habang tumatakbong pababa. Ewan niya kung bakit imbis na dire-diretsong lumabas ng pinto ay napaupo siya sa silyang Rattan na malapit sa radyo.
“…isa na naming kababayan ang naging biktima ng hit-and-run kanina lamang dakong ala-una kinse ng tanghali… ang bangkay ng ginang ay naiwang nakahandusay sa kahabaan ng Kaluluwa Highway ‘di kalayuan sa Chona’s Memorial Services…”
Panay ang kabog ng dibdib ni Michael. Umusog siya nang bahagya palapit sa radyo.
“…walang sapat na mapagkakakilanlan ang biktima maliban sa dilaw na bulaklaking duster na suot nito, kulay abong pares ng sandalyas, gold-plated na relo at pulang payong,” patuloy ng announcer.
“Ganon ang mga suot ni nanay kanina bago siya umalis! At saka yung... yung nakita ko sa salamin...!” Nangangatal ang boses ni Michael.
“... kung sino man ang nawawalan ng kaanak at may suot ng mga nabanggit na palatandaan, maaari ninyo itong puntahan sa nasabing punenarya, Chona’s Memorial Services ho, o ‘di kaya’y tumawag sa telepono bilang 999239,” pagtatapos ng tagapag-balita.
Pagkatapos no’n ay siyang patay ni Michael sa radyo. Nanginginig. Pulang-pula ang mukha. Maya-maya ay naghihisterya na ito na tila isang baliw na hindi malaman kung ano ang gagawin.
“...Ahh! Nay...! Nanay ko...!!!”
“Hoy, Michael, ano ba’ng nangyayari sa’yo?”
“Nay?” Siyang pagbabago ng mukha nito na tila hiyang-hiya.
“Bakit, ano’ng nangyari?” Takang-taka ang mukha ni Aling Lourdes sa naabutan.
“Nay, ikaw ba ‘yan?” tanong ni Michael habang nakasalampak sa sahig.
“Oo, ako nga! Malayo pa ‘ko dinig na dinig ko na ‘yang boses mo! Akala ko kung ano na ang nangyari. Bakit ba?” pagtatakang urirat ng ina.
Walang maisip na isagot si Michael. Hiyang-hiya. “Eh... eh... nagpapraktis kasi ako e!”
“Praktis? Ng ano?”
“Sa drama namin mamaya... ngayong araw na kasi ang presentation ng play namin e...! Drama.”
Natawa ang ina. “Hindi mo yata nababanggit na may sinasalihan kang play! Totoo ba ‘yan?”
“Opo. Isa nga ako sa lead roles e!” pagkukunwa nito.
“Hmnn...” biro ng ina habang inuurirat ang malaking plastic bag na dala niya. “Wala pa ba ang ate mo?”
“Wala pa.”
“Sige na. Maghanda-handa ka na kung papasaok ka pa. Mag-a-alas dos na. Ako na’ng bahala dito.”
Parang lantang gulay na tumayo si Michael mula sa kinauupuan. Dire-diretsong umakyat sa itaas para kunin ang tuwalya.
Bahagya siyang huminto nang makita ang salamin. Walang tingin-tingin na pumasok sa kanyang kwarto.
Pagbaba ng hagdan, nagtimpla muna siya ng kape at nag-init ng mga tirang pandesal sa kanilang toaster bago dumiretso sa kanilang banyo para maligo.
“Bakit gano’n? tanong niya sa sarili habang nagsasabon. “Nakakakilabot! Ilusyon ko lang ba ‘yon? Wala naman akong sakit...! Pero para talagang totoo. Ano ba itong nangyayari sa akin?”
Hanggang doon sa banyo ay hndi pa rin hinihiwalayan ng takot at pagkalito si Michael. Paulit-ulit niyang kinikiskis ng puting bimpo ang kanyang mga braso na akala mo’y walang malay sa kanyang ginagawa.
Pagkatapos maligo ay doon na rin siya nag-toothbrush tulad ng nakasanayan na niya. Doon na rin sana siya mag-aahit ng bigote pero naiwan niya ang Ruby blade sa kanilang kwarto kaya inilapag na lamang niya ang Beam toothpaste at ang Likas Papaya sa malaking sabonera at saka muling naghugas ng kamay para matanggal ang dumikit na bula.
Hawak ang asul na toothbrush, dahan-dahan niyang binuksan ang lumalagitik na pinto ng banyo hudyat na tapos na siyang maligo.
“O, bakit nawala si nanay?”
Dire-diretso na lamang siyang tumungo sa hagdan at muli ay walang lingun-lingon sa salamin na dumiretso sa kanilang kwarto.
“Anong oras na, nay??!” sigaw niya sa pag-aakalang naroon ang ina sa kabilang silid.
“Nay...?” ulit ni Michael na may pagtataka. “Nay!” Napakibit-balikat siya. “Lumabas na naman siguro.”
“Uniform day nga pala namin ngayon.”
Isinuot na lamang niya ang bagong plantsang puting uniporme na nakasampay sa loob ng kanilang aparador. Matapos makumpleto ng bihis ay dumiretso sa silid ng ina upang humingi na ng baon.
“Nay?” Sumimangot si Michael. “Tulog! Siya na raw ang bahala sa bahay tapos matutulog lang pala!”
Dahan-dahan itong lumapit sa ina. “Nay,” tapik niya dito. Aalis na ako. Baon ko. Nay...!”
Hindi tumitinag si Aling Lourdes. Animo’y isang malamig na bangkay sa diretsong pagkakahiga.
Nang may mapuna si Michael...
“Bakit parang... parang ang putla ni nanay...? Nay, gising!” tapik niya uli. Halos iuga-uga na niya ang katawan ng ina ay hindi pa rin ito dumidilat. Umiral na naman ang kaba sa dibdib ni Michael. Lalo na nang...
“Parang ang lamig ng mga braso niya... Nay!” pasigaw na niyang sabi. “Nanay...! Hooo...! nay!” ulit niya habang panay ang malakas na tapik.
Parang gusto nang umiyak ni Michael. Saglit na napatigil at inilapit ang kaliwang tenga sa ilong ng ina.
“BAKIT BA?!!” Halos mabingi ito sa lakas ng pagkakasigaw ng kanyang nanay. “Kahihiga ko pa lang nambubulahaw ka na!!!”
Gulat na gulat si Michael. Muntik pa ngang himatayin. “Nakakagulat ka naman!” simangot nito sa ina. “Penge ng baon, papasok na ako!”
“Baon lang pala, para kang kung napaano na diyan.” sabay dukot nito sa malaking bulsa ng dilaw na duster. “O!”
Nalaglag si Michael sa kinauupuang papag nang tanggapin ang inabot ng ina.
“Alupihan!”
Napabangon si Aling Lourdes. Tawa nang tawa. “Naiwan pala dito sa bulsa ko yung laruang alupihan ni Elang.”
“Sinong... Elang?”
“Anak ni Mare.” At siya namang baling nito sa anak. “Bakit ba nagkakaganyan ka ngayon? Hindi pa rin ito tumitigil sa katatawa. “May prublema ka ba?”
Siya namang tayo ni Michael sa sahig na tila napikon. “Prublema...! akin na nga yung baon ko!”
Nakaka-insulto ang hagikgik ni Aling Lourdes. “O, ayan!”
“Sisenta pesos? Saan makakarating ito?”
“Ikaw, buti nga’t binibigyan ka ng baon. Akin na kung ayaw mo!”
“Dagdagan mo naman ng beinte, nay!”
“O, etong sampu!”
“Ito talaga si nanay, ang kunat-kunat!”
“Sige na, lumakad ka na.”
Nagmamadaling bumaba si Michael sa hagdan nang matapilok siya sa kalagitnaan nito. Malakas ang kalabog. “Ahhh...!”
“Bakit?!!” Sabay labas ni Aling Lourdes sa kwarto sa pagkagulat. Nakita na lamang nito na nakahandusay ang anak habang nakatusok nang buong-buo sa lalamunan ang Panda ballpen na hawak nito kanina. “Diyos ko...!!! Michael...!!!”
Agaw ang hiningang pilit makapagsalita ni Michael. “Na...nay...”
“Diyos ko, ano ba’ng gagawin ko?”
Hindi magkandaugaga si Aling Lourdes. Litung-lito. Dahan-dahan nitong hinugot ang dulo ng ballpen na nakausli sa lalamunan ng anak habang namimilipit naman ito sa sakit. Ramdam na ramdam niya habang hinihila ito ng kanyang ina unti-unti mula sa kanyang leeg habang patuloy ang pagsirit ng sariwang dugo sa kanyang lalamunan.
“Aaak... ma... sakit...”
Nais sumigaw ni Michael sa kirot ngunit hinang-hina siya. Nararamdaman pa niyang bali ang kaliwa niyang binti dahil narinig pa niya itong lumagutok nang umipit ito sa pagitan ng dalawang baitang ng hagdan.
“Ah... nay... uhmn...” ungol niya habang panay ang agos ng dugo na humalo na sa pula nilang sahig.
Wala namang tigil ang pag-agos ng luha ni Aling Lourdes na pumapatak na sa mukha ng anak.
IV
“...Ahhh... Huh?!!”
Naramdaman ni Michael na may kung anong tumutulo sa kanyang mukha. Napatayo siya sa kinahihigaan.
“Panaginip na naman?” sambit niya habang panay ang punas ng kwelyo ng kanyang damit sa kanyang mukha.
Mahimbing ang tulog ni Bong. Napasilip si Michael sa labas ng bintana habang halatang-halata sa mukha ang pagtataka. “Umuulan. Hindi pa pala natatapalan ang butas ng bubong. Sa mukha ko pa natapat!
Binalingan naman niya ang kapatid. “Hoy, Bong! Tumayo ka diyan! Iusog natin itong papag. Tumutulo!”
“Umn... kuya naman, ang sarap-sarap ng tulog ko e!”
“Ang sarap-sarap ng tulog mo, e, ako dito basang-basa na! Bangon ka muna diyan!”
“Iinat-inat na tumayo si Bong sa kinahihigaan. “Kanina pa ba umuulan, kuya?”
“Ewan! Siguro,” sagot niya. Bahagya niyang inusog ang papag at itinapat ang basyong bote ng Magnolia sa tulo. “Sige na, matulog ka na uli.”
Animo’y otomatik na sa pagkakasabi no’n ay balik agad sa paghihilik si Bong.
Nanatiling nakaupo si Michael sa papag. Nag-iisip. Panaka-naka’y hinihipo ang kanyang leeg. “Parang totoo! Alin ba dooon ang... Ah! Ang gulo! Makatulog na nga!”
Pagkahiga, matagal na nakapikit ang mga mata ni Michael pero ayaw pa ring dalawin ng antok. Balisa. Iniisip pa rin niya ang napanaginipan ng gabing iyon. At kinikilabutan siya kapag naaalala niya. “Para talagang totoo!” Paulit-ulit niyang sabi.
“Ayaw ko nang matulog,” tugon niya sa takot na baka bangungutin uli. “Magtitimpla na lang ako ng kape. Tamang-tama para makapag-review na rin. May exam pala kami mamaya.”
Dahan-dahang tinungo ni Michael ang hagdanan. Bigla siyang napahinto nang mapuna ang antigong salamin na nakasabit sa dingding malapit doon.
“Bakit ba ako matatakot?” palakas-loob niya. “Panaginip lang naman ‘yon!”
Mabilis niyang binaba ang hagdan ngunit walang tingin-tingin sa kinatatakutang salamin.
“Aaak...! Ang sama ng lasa!” Halos maduwal siya sa lasa ng tinimplang kape. “Sino kaya ang nagsalin ng vetsin sa lalagyan ng asukal? Pwe! Bad trip talaga, o!” angal niya. “Sayang tuloy ang kape! Makapagtimpla na nga lang ng bago!”
Kumuha siya ng asukal sa cabinet at saka nagtimpla ng panibago. “Ah...! Sarap!”
Napasulyap siya sa kanyang relo. “Alas-tres. Umaga na pala!”
Pagkaubos ng kape ay dali-dali itong umakyat sa itaas para kunin ang kanyang reviewer. Ewan kung bakit naman niya naisip na sumilip sa kwarto ng nanay at tatay niya pagkapanhik sa itaas. “Wala.” Nang mapasulyap siya sa kabilang kwarto... “Bukas ang pinto ni ate. Wala rin siya. Nasaan sila?”
Nagmamadali itong lumakad patungo sa kinahihigaan ni Bong at walang kaabug-abog na ginising ito.
“O? bakit ba...?” simangot ng kapatid.
“Nasaan sina tatay?”
“Ha?”
Si ate, nasaan? Bakit wala sila sa mga kwarto nila?”
“E, ‘di ba namiyesta sa Bulacan?” Panay ang kuskos ni Bong sa mata. “...mamaya pa raw hapon ang balik nila.”
Wala siyang matandaan.
“Ibig mong sabihin tayong dalawa lang ang naiwan dito sa bahay?”
Wari’y nais mapika ni Bong sa narinig sa kuya. Hindi niya alam kung nagbibiro ito o nagtatanga-tangahan. “E, ‘di ba iniwanan ka pa nga ni nanay ng pera para panggastos natin?” tila pagalit na sabi nito.
“Pera?” Wala talaga siyang matandaan. “Anong pera ang pinagsasabi mo?” pagtataka ni Michael.
“Para sa almusal at pananghalian natin at saka baon ko!”
“Nasaan ang pera?”
“Ewan ko sa’yo!”
“Talaga bang nag-iwan si nanay?” tanong niya habang panay ang kapa sa bulsa.
“E, ‘di ba nga limang daan ‘yon dahil ang sabi mo may babayaran ka pa sa school ninyo!”
“Babayaran...?” bulong ni Michael. Talagang wala siyang matandaan. “Ano ba ako, may amnesia?” bulong niya.
“Baka nawala mo lang ha, isusumbong kita kay nanay! Baka hindi ka na rin bigyan ng pera no’n para sa pupuntahan mong debut bukas.”
“Ha? Ano’ng sabi mo? Debut?”
“O-o!” pagdidiin ni Bong.
“Bakit sino’ng magde-debut?”
Matagal na napatitig si Bong sa kapatid. “Ewan! Bahala ka sa buhay mo!” sagot niya sa akalang binibiro lang siya ng kuya.
“Ano ba, tinatanong kita!” sabay tapik sa puwitan nito.
“He! Maghanap ka ng kausap mo! Matutulog na ‘ko!”
“Hoy! Bong, ano ba? Bong!” Ngunit ‘yon lang ay naghihilik na uli si Bong at hindi na naistorbo pang muli ni Michael.
“Bakit gano’n?” pag-iisip niya. “Naguguluhan na talaga ako.”
Nang mapatingin siya sa palibot ng bahay...
“Sandali. Hindi naman ganito ang ayos ng bahay namin ah!” Panay ang ikot ng mga mata niya. “Yero ang bubong namin at hindi buhos.” Hinipo niya ang bawat gilid ng dingding. “At saka hindi double-walling ang kwarto namin!” Siyang silip naman niya sa bintana na lubos na ikinagulat niya. “Iba! Iba ang mga bahay! Hindi kami dito nakatira!”
Tinapik uli ni Michael nang mas malakas ang natutulog na si Bong. “Bong! Bong, gising!”
Halos tumalsik siya sa kinatatayuan sa sindak nang lumingon ang kapatid sa kanya mula sa pagkakadapa. “Huh?”
Wala itong buhok. Walang kilay. Iisa ang mata na nasa ilalim ng malaking ilong na iisa rin ang butas. Ang malaking bunganga’y nasa gitna ng noo at may nakausling tila lagareng mga ngipen. May dalawang matutulis na tenga na nadikit naman sa magkabilang pisngi.
“Bakit ba...? At saka hindi Bong ang pangalan ko. Facundo!”
Sindak na sindak si Michael. Napatakbo ito palabas ng kwarto.
“Hindi...! Hindi totoo ito...! Hindi...!”
HIndi siya makapaniwala. Lalo na nang mapasulyap siya sa salamin sa gitna ng hagdan.
“Aaahh...!” sigaw niya dahil wala ring kinaiba ang hitsura niya sa salamin sa hitsura ng kapatid.
Takot na takot si Michael. Naghihisterya. Wala siyang tigil sa kasisigaw. Maya-maya ay bigla itong tumahimik kasabay ng pagbabago ng reaksiyon ng mukha. “Baka... baka...”
V
“...panaginip?” sambit niya halos kasabay ng biglang pagbangon niya mula sa kinahihigaan.
“Panaginip na naman? Ano ba’ng nangyayari sa akin?”
Sumulyap siya sa kanyang relo. “Alas singko. Umaga na pala,” sabay buntung-hininga. “Binangungot ako.”
Panay ang punas niya sa kanyang pawis. Mainit.
“Mabuti na lang nagising ako. Nasaan kaya si Bong? Bakit wala sa tabi ko?”
Dahan-dahang tumayo si Michael mula sa kinauupuang papag at sumilip sa kwarto ng kanyang ina. “Wala?” Dumaan din siya sa silid ni Liza. Nakabukas ang pinto nito. “Wala rin. Nasaan silang lahat? Hmn...! Makababa nga!”
Madilim sa ibaba. Walang maaninag si Michael. Kinapa-kapa niya ang switch ng ilaw sa gilid ng dingding.
“Nasaan kaya sila? Ah! Miyerkules nga pala ngayon. Baka nagsimba nang maaga sa Baclaran. Pero bakit hindi man lang ako ginising?”
Nagtungo siya sa kusina para magtimpla ng kape. “Ang dami yatang kape ngayon! saan ba galing ang mga ‘to? ang daming binili! Kala mo mauubusan ng kape sa grocery,” sabay tawa niya. “Makapagtimpla na nga lang.”
Binubuksan pa lang niya ang naka-seal pang Great Taste nang may maatrasan siya sa gawing likuran. Malakas ang kalabog. Tunog-lata.
“Biscuits? Bakit ang dami ring biscuits? Lata-lata pa! Ano ba’ng naisipan nila’t bumili ng ganito karami? Matikman nga! Mukhang masarap itong nasa isang lata.”
Nang matapos lumantak sa kusina ay nakaramdam na naman siya ng antok. Paakyat na sana uli siya sa hagdan nang may mapuna sa gilid ng kanilang sala.
“Higaan...? May bago palang higaan dito! Kailan kaya ito binili? Bakit parang ngayon ko lang nakita?”
May pagtataka siyang lumapit doon. “Okey ito ah! Pahaba ang style! Oks na oks talaga para sa isang tao!” at tinapik-tapik niya ang ibabaw nito. “Tamang-tama! Dito na ‘ko mahihiga... para pag dating nina tatay...”
Hindi na niya tinuloy pa ang sasabihin. Dahan-dahan na lamang niyang inilapat ang kanyang likod sa higaang iyon.
“Okey talaga,” ulit niya. “Parang sinukat. Medyo masikip nga lang.”
Hinubad niya ang pangloob na tsinelas, tuluyang nahiga at ipinatong ang magkabilang kamay sa ibabaw ng kanyang tiyan para sa mas kampanteng pamamahinga.
VI
Ang sarap. Pakiramdam niya’y ang tagal-tagal nang nakalapat ng kanyang likod sa higaang iyon pero parang ayaw pa niyang tumayo. At nang maisipan na niyang bumangon...
“Bakit ganito? Bakit hindi ako makagalaw...? Kahit man lang mga daliri ko hindi ko maiangat.”
Kinabahan si Michael. Maya-maya ay may narinig na lamang siyang pamilyar na boses sa may gawing ulunan niya.
“Umiiyak. Sino kaya ‘yon?” sabi niya sa isip. “Parang si nanay.”
Sinundan iyon ng isa pang boses. At ng isa pa. Mas malakas na hagulgol. Lalong itong ipinagtaka ni Michael.
“Bakit sila nag-iiyakan? Ano ba ang nangyayari...?”
Pinipilit pa rin niyang igalaw ang kahit isa man lang sa bahagi ng kanyang katawan. Pero ayaw. “Bakit kasi...?”
Matagal. Parang ayaw tumigil ng mga nag-iiyakang iyon. May mawawala, may papalit. Lalo siyang naguguluhan.
Maya-maya, may naulinigan na lang siyang pakiwari niya’y malayo nang kaunti sa kanya. Masaya. Maingay. Para siyang naeengganyo.
“Ano ba ang mga ‘yon?” pagtataka niya. “Init na init na ako!”
Ah! Kung maididilat lang ni Michael ang kanyang mga mata, mapupuna niyang nagliliwanag ang buo nilang bahay. Puno ng ilaw lalo na sa dakong ulunan at paanan niya. Puno ng mga bangko at lamesa. Puno ng mga tao. Nagkalat ang mga baraha at naglipana ang mga biscuits at kape sa kabi-kabila...
“Hmn! Hindi na ako matatakot. Panaginip na naman ‘to.... itutuloy ko na lang pagtulog ko. Bukas... magigising na ‘ko...!”
THE END